Thursday, July 30, 2009

Jeepney: Hari nga ba talaga? by David Mejia



Ang Jeepney aka Dyip. Ito ay hango sa CJ3B jeep na gamit ng mga Amerikano noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Tinagurian itong pangunahing paraan ng paglalakbay sa bansang Pilipinas. Kahit saan ka mang sulok ng bansa pumunta ay meron at meron kang makikitang dyip. Ito ay multi-purpose-- karaniwang ginagamit ito ng mga Pilipino bilang commuter trans o pampasahero(ang pinaka-karaniwang gamit); panghakot ng mga gulay, etc.; tow truck (oo, meron din nito); at marami pang iba.

Kung titignan natin, nakadikit na ang dyip sa araw-araw na gawain ng mga Pilipino. Kabilang na ito sa ating kultura. Hindi tayo makagalaw kung walang dyip. Sumasakay tayo dito kahit malapit lang ang ating pupuntahan. Napaparalisa ang iba't-ibang sektor ng lipunan kapag nagsagawa ng malawakang strike ang combined forces ng mga tsuper at operators nationwide.

Oo. Dahil kadikit na ang dyip ng ating kultura, marami ang nagsasabi na ito ay ang "hari" ng kalsada. Pero hari nga ba ito? Ang sumusunod ay ilan lamang sa mga karaniwang katangian ng mga tinaguriang "hari":

1. Ito ay walang aircon.
2. Ito ay madalas luma na. Kung bago man, parang wala ring pinagkaiba sa luma.
3. Ito ay minananeho ng mga !@#$%^ na tsuper.
4. Mausok at maingay.
5. Puro kalawang.
6. Nagsasakay at nagbababa ng mga pasahero kahit saan.
7. Nagsisiksik ng mga pasahero kahit nakalutang na ang puwet mo.
8. Hindi pare-pareho ang disenyo. Minsan mauuntog ka sa kisame nito o kaya't makikita mo ang tsuper na nakatagilid habang nagmamaneho.
9. Karaniwang hindi nakakalabas ang tsuper sa pinto na pinakamalapit sa kanya dahil nakaharang ang spare tire.
10. Karaniwang marumi ang kamay ng tsuper. Lalo pang malas kung kaka-ihi lamang nito.

At marami pang iba...

Ang tsuper naman, hihiram lang ako ng sinulat ni Ginoong Bob Ong sa kanyang aklat na pinamagatang "Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino". Sa tingin ko ay nailarawan niya nang husto ang katangian ng mga ito.

Ah... drivers! Sinong Pinoy ba ang walang kuwento tungkol sa kanila? Sa mahabang karanasan ko bilang pasahero, eto ang mga tsuper ng Pilipinas:

BAGGAGE BOYS. Mga driver na sa pilahan pa lang ng jeep e masinop na. Pilit na sinisiksik ang mga pasahero at hindi umaandar ang sasakyan hanggang hindi nakakapagsakay ng 20 katao sa upuan na pang-14. Bukambibig: "Kasya pa, dalawa pa yan, kabilaan!"

PACMAN. Baggage Boys na matakaw sa pasahero hanggang sa highway. Walang sinasantong "No loading / Unloading" signs. Hinihintuan ang lahat ng tao na pwedeng isakay, parang video game player na nag-iipon ng points at naghahangad ng bonus. Bukambibig: "Sige, konting bilis lang ho at bawal dito bumaba"

FORMULA ONE. Mag kaskaserong piloto na nagpapalipad ng jeep. Di tulad ng Pacman, maraming pasaherong nilalagpasan ang Formula One. Para sila laging mauubusan ng lupa. Sa sobrang bilis magpatakbo, lahat ng pasahero e nakakapit nang mahigpit sa hawakang bakal. Bukambibig: (Wala. Hindi nakakausap.)

SCREWD DRIVER. Asiwa at mainit lagi ang ulo. Galit sa mga pedestrian, galit sa mga vendors, galit sa mga pasahero, galit sa mga pulis, galit sa mga kapwa driver, galit sa mundo. Sumisigaw, nagdadabog, at nagmumura bawat tatlumpung segundo. Bukambibig: "!^@%#."

KUYA BODJIE. Ang tsuper na masayahin. Laging nakangiti at sumisipol. Malugod na bumabati sa lahat ng nakakasalubong sa daan. Perpekto na sana si Kuya Bodjie kung hindi lang s'ya madalas na sanhi ng heavy traffic. Bukambibig: "Kamusta? Kamusta ang pag-aaral ng mga bata? Susundan n'yo ba ni mare si... ano nga ang pangalan ng bunso mo,pare? Ano na ang nangyari sa inaaplayan mong trabaho sa Saudi?"

SI MANONG. Matandang driver na may matandang jeeo. Yung tipong binubuo na lang ng kalawang ang sasakyan n'ya at pwedeng kakitaan ng mga itlog ng dinosaur. Madalas ring tumirik ang makina, at talo pa ang mga pabrika sa usok ng tambutso. Kadalasan naka-tune in si Manong sa AM radio at nakikipagpalitan ng kuro-kurong politikal sa katabing pasahero. Bukambibig: "Lipat na lang kayo sa kabilang jeep, nasiraan tayo."

DON FACUNDO. May hihigit pa ba kay Manong? Oo, ang matandang mahilig- si Don Facundo, ang DOM na driver! Hitik sa green jokes at mga bukambibig na: Sakay na, sexy, iuuwi na kita!" o "Konting ipit para hindi mangamoy!"

DISC JOCKEY. Ang sound-tripper tsuper. Ultimo konsensya mo hindi mo maririnig sa sobrang lakas ng stereo n'ya. Lahat ng bagay sa loob ng sasakyan e kumakalabog at kumakalansing sa tugtog. Aakalain mo ring may on-going party sa loob ng jeep dahil sa dami ng kaibigan n'yang nakaangkas. Parang naki-hitch ka lang sa pribadong sasakyan. Bukambibig: (Hindi mo maririnig sa sobrang ingay.)

THE SUPER PINOY DRIVER. Marunong sumunod sa batas trapiko. Magalang sa mga pasahero. Hindi nanlalamang sa mga kapwa driver. At ayos magpatakbo ng sasakyan. Isa lang ang problema, hindi pa s'ya pinapanganak.

Kitams? Iyan ang estado ng ating mga tinaguriang "hari" ng kalsada. Bakit ko naisulat ito?

Dati noong ako'y bata pa at nag-uumpisa pa lang sumakay sa jeep, manghang-mangha ako dito dahil ako ay nakapaglakbay nang hindi nakasakay sa pribadong sasakyan o sa taxi. Noong ako ay pumasok na sa kolehiyo ay napansin ko na parang hindi na tama na sumakay ako ng dyip. Lalo naman noong ako ay nagtrabaho na. Noon ko unang naisip na hindi naman hari ng daan ang mga dyip. Sila ay naghahari-harian lang. Halos lagi akong dugyot tuwing bumababa ako sa mga dyip. Hindi ako kumpurtable lalo na pag matindi ang sikat ng araw, pag umuulan, pag may nagyosi sa loob, pag malayo ang byahe, at pag matindi ang traffic.

Hindi ba ang katagang "hari" ay binibigay mo lang sa isang tao o bagay na nagbibigay ng prestige sa 'yo? Hindi ito dapat binibigay o binabansag sa kung anuano lamang.

Sabihin nyo na kung ako'y mayabang, pero hindi ako sang-ayon na tawagin itong hari sapagkat hindi ito nagbibigay ng kahit anong prestige o self-esteem sa akin bilang Pilipino.

Noong pinagmayabang pa ng gobyerno natin kamakailan sa Europa ang dyip, ako ay nadismaya. Kasi naman ang pinagmamayabang nila ngayon, nakita na ng buong mundo bago pa man naging pangulo ng Pilipinas si Ferdinand Marcos. Walang nagbago. Hindi maipagmamalaki.

Oo nga, meron na tayong mga "new generation" jeepneys gaya ng aircon jeep (ang Jeep ni Erap) na hindi naman halos binigyan ng suporta ng pamahalaan, at ang electric jeep na halos hindi naman makita sa ating mga kalsada.


Hangga't hindi natin naaayos ang ating transportation system ay stuck tayo sa mga dyip. Kung hindi naman tatanggalin ang mga dyip, hangga't hindi sinusuportahan ng pamahalaan ang dyip, hindi ito aasenso at puro bulok na lang na dyip ang tatambad sa atin araw-araw. Nakakalungkot ang estado ng mga dyip ngayon. Malayo na sana ang narating nito kung buo lang ang tiwala ng gobyerno natin dito.
Kung nais nating matawag ang dyip na "hari", tayo mismo ang dapat magpatunay nito. Paano natin magagawa ito? Una, dapat mag-evolve naman ang disenyo ng dyip. Nakakaawa na ang itsura nito. Parang stuck sa mid 20th century. Pangalawa, dapat suportahan ng gobyerno ang dyip kung gusto nilang ipagmalaki ito sa ibang bansa. Iwasan na ang pagsara ng mga gumagawa nito. And please, develop a good design that is apt for the 21st century. Pangatlo, sana maipanganak na ang Super Pinoy Driver as described by Bob Ong. Lastly, sana pati ang Ultimate Pinoy Passenger ay ipanganak na rin.
Ngayon, sasakay pa ba ako ng dyip kahit bulok pa ito? Oo, basta hindi lalagpas sa minimum fare yung layo ng pupuntahan ko.

No comments: